Thursday, September 27, 2012

Ang kuweba ng Asong Daga

Ang Kuweba ng Asong Daga
kay:
Giann Benedict Condino

Tungkol sa Manunulat:

Giann Benedict Condino
 Si Giann ay nag-aaral sa paaralan ng Notre Dame – Siena College of Polomolok sa Baitang ng Grade 3 St. Hyacinth. Siya ay nakatira sa Munisipalidad ng Polomolok.  Mula sa paunang sulat niyang kwento na pinamagataang “Ang Kweba ng Asong Daga”, dito niya nailimbag ang kwento tungkol sa magkapatid na nakakita ng kakaibang aso na parang daga. Sa edad na 8 (walo) siya ay nakagawa ng kwento tungkol sa kakaibang nilalang. 

Panimula
“Tahanan….isang lugar na sama-samang naninirahan ang isang pamilya na masaya at nagmamahalan.”

Ang kwentong “Ang Kuweba ng Asong Daga” ay tungkol sa tatlong magkakapatid at asong si Asoga na nakita nila sa isang kuweba sa gubat. Dahil sa awa nila sa aso, dinala nila ito sa kanilang bahay…malayo sa kinagisnang tahanan ng aso sa gubat. Hindi naging masaya si Asoga kung kaya ibinalik na lamang nila ito sa kuweba sa gubat.

Ang Kuwento
Isang araw, masayang namamasyal sa gubat ang tatlong magkakapatid na Benedicto, Bernardo at Bernadetta. Biglang may nakita si Bernardo. “Kuya, ano ‘yon?”
Isang kakaibang hayop ang nakita nila. “Dali, habulin natin,” sabi ni Benedicto. Pumasok ang kakaibang nilalang sa kuweba. Takot man sila ay pumasok na rin sila sa kuweba. Sa kanilang pagkabigla, hindi naman pala nakakatakot ang kuweba. Maayos ito at maliwanag. “Dito siya nakatira?” tanong ni Bernadetta. “Ano’ng uri ng hayop ba siya, Kuya? Siya’y kakaiba.”
Talaga ngang kakaiba ito. Parang aso ito ngunit ito ay may malaking ngipin, mahaba na buntot at kumakain na parang daga. Kung ano ang kinakain ng daga ay siya ring kinakain ng aso. Hindi ito kumakahol. Ang huni nito ay parang sa daga. “Aso na daga?!” sabay na sigaw ng tatlo. “Bigyan natin siya ng pangalan. Siya na si Asoga…ang asong daga,” sabi ni Bernadetta.
Naawa ang magkapatid sa kalagayan ng aso sa kuweba kaya dinala nila ito sa kanilang bahay. Subalit, naging malungkot ang aso doon. Hindi ito kumakain. Hindi rin nakikipaglaro sa kanila. Kaya nagpasya silang ibalik ito sa gubat.
Sa pagpasok nila sa gubat, mabilis na tumakbo si Asoga. Namangha sila sa nakitang sangkatutak na daga na sumalubong kay Asoga. Tuwang-tuwa si Asoga. Tuwang-tuwa rin ang mga daga. Mga daga pala ang kasama ni Asoga sa loob ng kuweba.
“Tama lamang na ibinalik natin si Asoga sa kuweba. Ito ang kanyang tahanan kasama ang mga daga,” sabi ni Benedicto. “Ako man ay malulungkot kapag hindi kayo kasama at napalayo sa ating tahanan.”
Iniwan ng tatlo si Asoga sa kuweba. Tuwing Sabado, dinadalaw nila ito at dinadalhan ng paborito niyang keso.

2 comments:

  1. Galing mo nman Gian, sa murang edad mo marunong ka ng gumawa at magsulat ng kwento! Ipagpatuloy mo yan at galingan mo pa! Proud ako sa iyo! Good luck!

    ReplyDelete
  2. Wow, galing-galing! Keep it up, langga! Mwah!

    ReplyDelete